Mismong ang mga tauhan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang gumagawa na ng paraan upang hindi mapabalik sa bansa si dating Commission on Election (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano para hindi na magkaroon ng kumpirmasyon ang alegasyong nandaya ang Pangulo noong nakaraang eleksyon.
Ito ang malungkot na pahayag ni Cavite Rep. Gilbert Remulla sa kanyang press conference kahapon matapos makarating sa kanyang kaalaman na mismong si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alberto Romulo ang pumipigil na maghain ng request sa Argentina at Brazil para hanapin si Garcillano.
Ayon kay Remulla, unang ipinangako ni Romulo sa mga miyembro ng Kongreso noong nakasalang ang kanyang departmento sa budget hearing na kikilos ang DFA para hanapin si Garcillano.
Gayunpaman, lumalabas na hindi sineryoso ni Romulo ang kanyang pangako matapos makumpirma umano ng kongresista sa kanyang impormante sa loob ng DFA na mismong ang kalihim ang ayaw maghain ng request.
"Nakakalungkot dahil hindi nila ginagawa ang kanilang trabaho at pangako sa bayan," pahayag ni Remulla kaya lumalabas na nagkakaroon na umano ng sabwatan at takipan sa administrasyon para hindi mapauwi si Garcillano.
Pero buhay pa ba si Garci?
No comments:
Post a Comment