Malaki ang suliranin ni Donya Gloria at administrasyon nito. Sa di kalaunan ay magdedesisyon na ang Korte Suprema ukol sa expanded value added tax o EVAT. Matatandaang nagsampa ang oposisyon ng kaso rito ukol sa pagiging konstitusyonal ng ginawa ng mga alipores ni Donya Gloria sa Kongreso, kung saan pinasa sa kanya ang pagtataas ng VAT mula sa diyes hanggang dose porsiyento sa darating na Enero ng susunod na taon.
Ngunit kaakibat ng bagong buwis ay ang pagsali ng mga produktong petrolyo, pati na ang kuryente, sa diyes porsiyentong VAT. Dati-rati ay hindi ito isinali. Masayang-masaya si Donya sa pagkakapasa ng dagdag na buwis na ito. Matatandaang tutol na tutol ang pitak na ito sa pagpapataas ng VAT. Noon pa man ay nakita na natin ang epekto nito sa kabuhayan ng nakararaming naghihirap.
Samantala, sumipa ng todo-todo ang halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Habang sinusulat natin ito, 67 dolyares na kada bariles. Ang kasalukuyang presyo ng ating krudo at gasolina ay base pa sa 58 dolyares. Sa totoo lang, hindi presyong Amerika ang ating krudo, kundi base sa Dubai, kaya’t mas mababa, ngunit ang pagtaas nito ay alinsabay sa pagtaas ng presyo ng Amerika at Inglatera pa rin.
Kapag pinairal na ang EVAT, at inaasahang magbababa na ang Korte Suprema ng desisyon ano mang araw nitong Agosto, mabubuwisan na ang petrolyo at kuryente ng diyes porsiyento, at tinatayang ang presyo ng gasolina ay papalo ng 40 pesos bawat litro. Ito’y dahil hindi naman dedesisyunan ng Korte ang ukol sa diyes porsiyento, kundi ang sa 12% na sa Enero pa sisipa.
Samantala, kung hindi naman ipatutupad ang EVAT gaya ng mungkahi nitong si Rep. Joey Salceda ng Albay na tutang-tuta ni Donya Gloria samantalang pinupursige noong nakaraang ilang buwan itong mismong EVAT na ito, magagalit naman ang mga pinagkakautangan natin. Ito’y dahil sa ang problema nga ng bansang ito ay sobra ang utang, sobra ang gastos at maliit naman ang kinikitang buwis ng pamahalaan. Kapag hindi natin pinairal ang karagdagang buwis na kapapasa lamang ng Kongreso sa pag-udyok pa mandin ni Donya Gloria, ibig sabihin, talagang walang kapararaka at pagkaseryoso ang tinaguriang mga reporma sa pananalapi at ekonomiya. Walang magpapautang sa atin, at meron man ay saksakan ng taas ang interes.
Parang naiipit sa nag-uumpugang bato itong si Donya Gloria. Takot na takot sa galit ng sambayanan dahil nga bukod sa pandaraya sa halalan, sa pagnakaw ng panguluhan, wika nga ni Aling Susan Roces Poe, ay pahirap pang sobra-sobra ang ginagawa sa sambayanan. Pag-iral kasi ng VAT, sipa ang presyo ng lahat ng pangunahing bilihin. Itigil mo naman ang VAT, walang magpapautang at walang itutustos ang pamahalaan sa paninilbihan sa edukasyon, kalusugan atbp. At sisipa ring pataas ang interes sa pagkakautang na lolobo ng lolobo.
Iyan ang suliranin ng isang lideratong takot sa sambayanan. Takot dahil nandaya. Takot dahil panay ang pagsisinungaling. Takot dahil sa walang humpay na kurakot na ngayon ay nabibisto na ng sambayanan. Hindi kayang magpairal ng mahihirap na reporma dahil sa lubhang takot sa poot ng sambayanang kay tagal nagtitiis, wala namang pag-asang umahon sa hirap at pighati.
Thursday, August 18, 2005
Problema sa EVAT
From Lito Banayo:
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment