Wednesday, October 27, 2004

It's never GMA's fault

Read it All:

"Kasalanan" ni Erap

Talaga yatang wala tayong maaasahang pagbabago tungo sa kaunlaran kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang lakas ng loob. Sa pagkabaon natin sa paghihirap, iba pa ang sinisisi. Kung hindi raw siya nakamana ng problema ng bayan kay Pangulong Estrada, hindi tayo ganito ngayon.

Talaga?

Noong patalsikin si Pangulong Estrada, magkano ba ang utang ng bansa? Tingnan ninyo sa rekord. Mahigit lang P700 billion.

At noong Sabado, Enero 21, 2001 ng umalis si Erap sa MalacaƱang, may iniwan siyang P78 billion na cash.

Umpisa ng mang-agaw ng poder hanggang ngayon, magkano na ang utang ng naghihirap na bansang Pilipino? Doble na. Halos P1.5 billion.

Kasalanan ba ni Erap iyan?

Nakuha ng mga sundalo ni Erap ang 10,000 ektaryang kampo ng Moro Islamic Liberation Front. Malaking ani sana ang makukuha rito kung hindi tinumba si Erap.

Ano naman ang ginawa ni GMA matapos mang-agaw ng poder?

Aba, akalain ba naman ninyong ibalik sa MILF ang Kampo Abubakar.

Iyan tuloy. Malaki ang problema sa Mindanao ngayon.

Noong unang buwan ng panunungkulan ni Erap, ang dolyar ay P43 lamang. Magkano na ngayon? Sobra na sa P56. May dagdag na mahigit sa P20 bawat dolyar ngayon.

Kasalanan ba ni Erap iyan?

Bago napatalsik si Erap, halos walang kidnapping for ransom. Nabawasan ang kurakutan ng pulis. Ang mga carnap na kotse na ang iba ay ginagamit ng pulis, ay ibinigay lahat ni Gen. Panfilo Lacson, PNP chief noon, sa mga insurance companies.

Ano ba ngayon ang nangyayari? Dumaan ang panahon na laganap ang kidnapping. Ang isang heneral ng pulis ay gumagamit ng Jaguar na nasamsam daw sa isang drug lord. Anong pakialam ni Erap sa mga iyan. Nakakulong nga iyong tao.

Talaga naman! Pati si Ferdinand Marcos sinisi ni GMA. Di ba bumuti ang kalagayan ng bayan sa panahon nina Pangulong Cory Aquino at Fidel Ramos?

Ibig bang sabihin ni Pangulong Arroyo, ang 12 taon ng "kaunlaran" sa gobyernong Aquino ay giniba ni Erap sa dalawa at kalahating taon lamang?

At hanggang ngayon ay hindi pa nakukumpuni ni GMA ang sinira ni Erap. Halos apat na taon ng nakaupo si GMA, kasama na ang tatlo at kalahating taon sa agaw na poder, hindi pa rin tayo nagbabago. Nabubulok pa nga.

Kung hindi haharapin ni Pangulong Arroyo ang maraming problema ng bayan at kung hindi siya magkakaroon ng tibay ng dibdib na magbigay ng solusyon, lalo pa tayong maghihirap.

Wala sino man ang naniniwala na lubog sa kahirapan ang bayan dahil kay Erap. Hindi makakalusot sa paningin ng tao ang hindi tamang pamamaraan ni GMA sa pagsisi kay Erap.

Hanggang ngayon, matapos manalo noong Mayo 10, puro pulitika pa rin ang iniisip ni GMA.

Halos P400 million ang magagastos sa paglipat ng Department of Agrarian Reform sa Iloilo. Mahigit sa 1,400 ang mga empleyado sa Central Office ang mapipilitan ding pumunta sa Iloilo.

Doble parusa. Kung nagbuburnal ng bahay iyong empleyado, magdodoble ang gastos niya dahil sa renta sa Iloilo.

Kung may bahay na bayad na, pipilitin naman ni GMA na magrenta sa Iloilo.

Ganyan din ang aabutin ng mga empleyado sa Central Office ng Department of Tourism. Ililipat ang tourism sa Cebu. Bakit kailangang gawin ito? Dahil nagbabayad si GMA sa utang sa pagkapanalo sa Iloilo at Cebu.

Tingnan ninyo, walang departamento na ililipat sa Mindanao. Bakit nga naman. Si FPJ ang nanalo na malaki sa Mindanao.

Magtipid daw. Gobyerno naman niya ang nagwawaldas.

Ngayon, malaking kurakutan naman ang nabulgar sa AFP. Panahon ba ni Erap nangyari iyan? Tapos si Erap ang sinisisi.

Laganap lalo ngayon ang droga. Wala namang may sentensyang bitay na nabitay nga. Takot si GMA sa Simbahan.

Ang leksyon sa lahat ng ito ay tibay ng paninindigan. Kung wala iyan sa isang Pangulong tulad ni GMA, wala tayong pupuntahan kung mas grabeng pagkabulok.

Wala kahit na katiting na problema ang nalulutas sa paninisi sa iba na wala namang kinalaman sa nangyayari ngayon.

Ano bang kasalanan ang nagawa natin at pinarurusahan tayo ng ganito? Magdasal tayong lahat
Exactly!


No comments: